liham ng pamamaalam
Matatanggap din nila na minsan, hindi mga sagot ang magpapayapa sa'tin kundi pagtanggap.
May bait ang kalawakan na pagtagpuin ang naghahanapan, gaano man kalayo ang distansya nila sa isa't isa. Katulad ng may lupit itong maglayo at mangwasak kahit na gaano pa katindi ang mga pangako.
Gusto kong maging matigas ang ulo at isipin na mas malakas ako sa kanya. Na kaya kitang ilaban sa kabila ng mga naglalaglagang mga kometa, umaapoy, dire-diretso sa ating dalawa.
Hindi tayo ligtas sa bisig ng isa't isa; walang mabuti sa pagpipilian dahil kung hindi ang langit ang mananakit, mga desisyon naman natin ang magpapaluha sa atin.
Gusto kong malaman mo na hindi ko na tinataboy 'yong mga 'Paano kaya?' sa utak ko.
Hinahayaan ko nalang sila maglaro, mangulit, sumigaw na parang batang naiinip. Mga paslit na nagdadabog, nagmamaktol bakit hindi p'wede, bakit bawal, bakit ayaw.
Naaalala ko dati, iritang irita ako sa kanila. Tinataboy ko silang pilit, sinisigawan ko sila pabalik.
"Pwede ba tumigil ka na? Tapos na nga di ba?!" "Wag kang tanong ng tanong, umalis ka na!"
Nakakairita ang pagkapit nila sa braso, sa balat mo, sa puso; ayaw nila bumitaw, hirap silang makuntento sa sagot na hindi na nga pwede, na bawal nga kasi, na ayaw nga ng mundo. Paulit ulit silang bumubulong, nangungunsensya kung bakit ako tumigil, tumalikod, lumimot.
"Paano kaya kung sinubukan mo pa?""Paano kaya kung sumagot ka?""Paano kaya kung hinabol mo?"
Pero ngayon, hinahayaan ko nalang sila maglaro. Mapapaos din sila kakatanong. Mapapagod din naman sila mangulit.
Sa huling tatlong segundo, sumuko tayo.Tumakbo ka pakanan, ako pakaliwa. Magkikita pa ba tayo? Gusto kong isipin na oo, pero alam natin parehong hindi na sigurado.
Pero tandang tanda ko ang huli nating pangako sa isa't isa bago magbitaw, na magiging masaya tayo kahit na anong mangyari.
Masaya ako ngayon. Naniniwala akong ikaw din. At kung oo, pag may oras ka, tumingala ka sa kalawakan ha?
Matatanggap din nila na minsan, hindi mga sagot ang magpapayapa sa'tin kundi pagtanggap.
Na wala na. Na tapos na. Na hanggang doon na lang talaga.
***
Ito ang aking tugon sa huling liham na iniwan mo sa ating hapag kainan na hindi ko na naipaabot. Ngumiti ka palagi, ha?
10/02/2021
magiingat ka palagi. ikaw lang ang mahal ko. ikaw ang greatest love ko. hanggang dito lang ako makakapagsalita kasi di ko kaya humarap sayo. di kita kayang makita. please know na mahal kita palagi. nakasupporta lang ako palihim ❤️
di kita makakalimutan. kahit sang lugar ako mapunta, ang alam ko lang mahal parin kita. di ko parin tanggap pero wag ka magalala. inaayos ko na sarili ko.